« 1 of 45 »

Pinulong ni Engr. Arnel V. de Mesa, Regional Director ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon 4-CALABARZON ang lahat ng magbababoy sa rehiyon noong Nobyembre 28, 2019 sa Southern Tagalog Integrated Agricultural Research Center, Lipa City, Batangas.

Ang layunin ng pagpupulong ay batay na rin sa mga kahilingan ng mga magbababoy ng CALABARZON na magkaroon ng suggested retail price (SRP) ang karne ng baboy. Ito ay bunsod ng pagkalugi ng ilang nag-aalaga ng baboy at mga nagtitinda nito dahil sa matumal na bentahan dulot ng African swine fever (ASF).

Binigyang-diin ni Direktor de Mesa na tungkulin ng Kagawaran na malaman ang mga hinaing ng lahat nitong nasasakupan sa pamamagitan ng serye ng mga konsultasyon. “Anumang mapagkasunduan sa pagpupulong ay ipapaalam natin kay Kalihim William Dar nang ang mga ito ay maaprubahan.”

Ang saklaw ng naging pag-uusap ay para sa presyo ng liempo at pigi para sa rehiyon at sa Metro Manila.

Kapag nakapagpalabas na ng SRP ang kalihim, ito ay magkakabisa makaraan ang 60 araw ngunit maaaring magkaroon ng pagbabago sa presyo depende sa galaw nito sa merkado,” paliwanag ni Direktor de Mesa.

Batay sa pinagkasunduan ng lahat ng dumalo, lumalabas na ang rekomendadong presyo ng pige o kasim ay P170 kada kilo, samantalang ang liempo ay P180.

Samantala, tatlo sa mga pangunahing nag-aalaga ng baboy ang nagpaliwanag ng kanilang gastusin at mababang kita. Ang mga ito ay ang Luntian Multi-Purpose Cooperative, Sorosoro Ibaba Development Cooperative, Inc., at Unified Batangas Hog Farmers, Inc. (Unibat).

Ang pagpupulong ay dinaluhan ng mahigit 200 nag-aalaga ng baboy, mga nagtitinda, biyahero, at iba pang stakeholders. ● NRB, DA-RAFIS